Monday, June 28, 2010

Buod ng Noli Me Tangere

nobela ni Jose P. Rizal


Mula sa Europa ay umuwi ang binatang si Juan Crisostomo Ibarra matapos mag-aral ng pitong taon. Si Ibarra ay ang katipan ni Maria Clara, anak ni Kapitan Tyago.

Magiliw na tinanggap ng bayan ng San Diego ang binatamg hinahangaan sa kanyang talino at puso sa mga kababayan, gayundin marahil sa pagmamahal ng bayan sa kanyang yumaong ama.

Nagdaos ng hapunan si Kapitan Tyago para sa pagbabalik ni Ibarra, naroon ang mga kilalang personalidad sa bayang iyon, ang mga pinuno ng pamahalaan at ng simbahan. Naroon din ang Praileng Pransiskano na si Padre Damaso.

Saturday, June 26, 2010

Ang Kwento ni Mabuti

ni Genoveva Edroza-Matute


Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang una kong kinakitaan ng sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya’t nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungang sa kanya ko lamang natutuhan.

Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan n buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyan anyo… at sa kanyang buhay…

Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanyang ng pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga panunugutan sa paaralan, walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya.

Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya maalaala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang paraang malirip, iyon ay naging salaminan ng uri ng paniniwala sa buhay.

Impeng Negro ni Rogelio Sikat

“Baka makikipag-away ka na naman,” tinig iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula kinatatalungkuang giray na batalan, saglit iyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.

“Hindi ho,” paungol niyang tugon.

“Hindi ho...” Ginagad siya ng kanyang ina. “Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo’y lagi ka ngang mababasag-ulo.”

May iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon. Pulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang tainga.

Isinaboy niya ang tubig na naa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay, pinagkiskis ang mga palad at maghilamos.

“Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo,” narinig niyang bilin ng ina. “Wala nang gatas si Boy. Eto’ng pambili.”

Tumindig na siya. Nanghihimad at naghihikab na itinaas ang mahabang kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kanyang higaan. Ngunit kailangan na siyang lumakad. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod.

Umiingit ang sahig ng kanilang barung-barong nang siya’y pumasok.

“Nariyan sa kahon ang kamiseta mo.”

Tata Selo ni Rogelio R. SIkat

Maliit lamang sa simula ang kalumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit ng tumaas ang araw, at kumalat na ang baliatng tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan.

Naggigitan ang mga tao, nagsisiksikan, nagtutulakan bawat isa’y naghahangad makalapit sa istaked.

“Totoo ba, Tata Selo?”

“Binawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”

Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa Malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakagulong tao.

"Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo," umiiling na wika ng kanyang kahangga, talagang hindi ko ho mapaniwalaan."

Hinaplus-haplos ni Tata Selo ang ga-dali at natuyuan na ng dugng putok sa no. Sa kanyang harapan, di kalayuan sa istaked, ipinagtutulakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nasasalisd na alikabok.

"Bakit niya babawin ang saka?" tanong ng Tata Selo. "Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba't kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?"

Hindi pa rin umaalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan.

"Hindi ma na sana tinaga ang Kabesa," anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na pinunong bayan nakalalahad sa pagitan ng maraming tao sa istaked. Mataas ito, maputi nakasalaming may kulay at nakapamaywang habang naninigarilyo.

"Binabawi po niya ang aking saka," sumbong ni Tata Selo. "Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?"

Friday, June 18, 2010

Sa Tabi ng Dagat

tula ni Ildefonso Santos

Marahang – marahang
Manaog ka, Irog at kata’y lalakad
Maglulunoy katang
Payapang-payapa sa tabi ng dagat;
Di na kailangang
Sapinan pa ang pang binalat-sibuyas,
Ang daliring garing
Sa sakong na wari’y kinuyom na rosas!

Manunulay kata
Habang maaga pa, sa isang pilapil
Na nalalatagan
Ng damong may luha ng mga bituin;
Patiyad na tayo
Ay maghahabulang simbilis na hangin,
Ngunit walang ingay,
Hanggang sumapit sa tiping buhangin.

Pagdating sa tubig,
Mapapaurong kang parang nangingimi,
Gaganyakin kata
Sa nangaroong mga lamang-kati;
Doon ay may tahong
Talaba’t halaang kabigha-bighani,
Hindi kaya natin
Mapuno ang buslo bago tumanghali?

Pagdarapit-hapon
Kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
Sugatan ang paa
At sunog ang balat sa sikat ng araw…
Talagang ganoon;
Sa dagat man, Irog, ng kaligayahan,
Lahat, pati puso,
Ay naaagnas ding marahang-marahan.

Sunday, June 6, 2010

Sa Aking mga Kababata

tula ni Jose P. Rizal



Kapagka ang baya’y sadyang umiibig
sa kanyang salitang kaloob ng langit,
sanlang kalayaan nasa ring masapit
katulad ng ibong nasa himpapawid.


Pagka’t ang salita’y isang kahatulan
sa bayan, sa nayo’t mga kaharian.
at ang isang tao’y katulad, kabagay
ng alin mang likha noong kalayaan.


Ang hindi magmahal sa kanyang salita
mahigit sa hayop at malansang isda,
kaya ang marapat pagyamaning kusa
na tulad sa inang tunay na nagpala.


Ang wikang tagalog tulad din sa latin,
sa Ingles, kastila at salitang anghel,
sapagka’t ang Poong maalam tumingin
ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.


Ang salita nati’y tulad din sa iba
na may alfabeto at sariling letra,
na kaya nawala’y dinatnan ng sigwa
ang lunday sa lawa noong dakong una.

Wednesday, May 26, 2010

Ang Kalupi ni Benjamin P. Pascual

Mataas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na barungbarong. Aliwalas ang kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na bahagyang pinapagdilim ng kanyang malalagong kilay ay nakikintal ang kagandahan ng kaaya-ayang umaga. At sa kanyang manipis at maputlang labi, bahagyang pasok sa pagkakalat, ay naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng kanyang anak na dalaga; sa gabing iyon ay tatanggapin nito ang diploma bilang katunayang natapos niya ang apat na taong inilagi sa mataas na paaralan. Ang sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin namang panahon ng pagpapaaral ay dumating na. Ang pagkakaroon ng isang anak na nagtapos ng high school ay hindi na isang maliit na bagay sa isang mahirap na gaya niya, naiisip niya. Sa mapangarapin niyang diwa ay para niyang nakikita ang kanyang anak na dalaga sa isang kasuotang puting-puti , kipkip ang ilang libro at nakangiti, patungo sa lalo pang mataas na hangarin sa buhay, ang makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng kabuhayan at sumagana. Maaaring balang araw ay magkaroon din siya ng mamanuganging may sinabi rin naman. Nasa daan na siya ay para pa niyang naririnig ang matinis na halakhak ng kanyang anak na dalaga habang paikut-ikot nitong isinusukat sa harap ng salamin ang nagbuburdahang puting damit na isusuot sa kinagabihan. Napangiti siyang muli.

Mamimili si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ng isang pangnang sisidlan ng kanyang pamimilhing uulamin. Habang daan, samantalang patungo sa pamilihang bayan sa Tundo, ay mataman niyang iniisip ang mga bagay na kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwang araw ito at kailangang magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang pananghalian. Bibili siyang ng isang matabang manok, isang kilong baboy, gulay na panahog at dalawang piling na saging. Bibili rin siya ng grabansos. Gusto-gusto ng kanyang magtatapos na anak ang minatamis na grabansos.

Mag-iikasiyam na nang dumating siya sa pamilihan. Sa labas pa lamang ay naririnig na niya ang di magkamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob, ang ingay ng mga magbabangos na pagkanta pang isinisigaw ang halaga ng kanilang paninda, ang salit-salitang tawaran ng mga mamimili.