Showing posts with label Deogracias A. Rosario. Show all posts
Showing posts with label Deogracias A. Rosario. Show all posts

Saturday, May 15, 2010

Walang Panginoon ni Deogracias A. Rosario

Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan magtutungo. Isinisiksik ang kanyang ulo kahit saan, saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipapasak sa mga butas ng kanyang tainga.

Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayunman, kahit na saan siyang magsiksik, kahit na saan siya magtutungo, kahit na anong gawin niyang pagpapasak sa kaniyang tainga ay lalong nanunuot sa kaniyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw.

“Tapos na ba? Tapos…” ang sunud-sunod niyang tanong na animo’y dinadaya ang sarili kung wala na siyang nauulinigang ano mang taginting ng kampana.

“Tapos na. Tapos…” ang sunud-sunod namang itinugon ng kanyang ina paniwalang-paniwala hindi nga naririnig ang malungkot na animas.